Noong 1940s

*This poem is dedicated to all comfort women. I could only imagine what you have been through.

Ako po si Hilda.

Labing anim na taong gulang ako

noong nawala ako

habang binabaktas ang daan

pauwi sa aming tahanan sa may palayan.

Hindi na po ako nakapagluto ng pananghalian.

Nawala po ako at

nakita ko nalang ang aking sariling

nasa loob ng isang trak at

nasa loob ng isang kubo at

nasa harap ko’y may mga Hapon at

nasa paligid ko’y may mga katulad kong dalaga.

At nabigla po ako sa kanilang mga ginawa.

Nawala po ako

nang binugbog nila ako,

nang kinulong nila ako,

nang pilit nilang pinasok ang katawan ko

nang paulit-ulit; gabi-gabi, araw-araw, marahas at paulit-ulit.

Hindi na po ako nanlaban, hindi na po ako umimik.

Nawala po ako sa loob ng isang taon.

Hindi ko po makita ang daan

maliwanag man sa labas

habang kami’y nagbibilad

ng mga unipormeng aming nilabhan.

At kahit anong kusot namin ay bakat pa rin

ang dumi

sa kaibuturan ng mga dayuhang

nagsusuot

ng aming mga nilabhan.

Hindi ko po noon maramdaman

kung buhay pa ba ako,

kung makakauwi pa ba ako,

kung maituturing ko pa bang tao ang sarili ko

dahil sa mga kahayupang ginawa nila sa akin.

Nawala po ako.

Gusto kong kumawala

Mula sa buong araw na pagtingala sa kawalan, at sa pagkakahiga

Sa isang kamang kanilang pinupuntahan

Para sagutin ang tawag ng laman,

Habang ang hatid nito sa akin

Ay pighati at pandidiri

Pandidiri sa aking nararanasan;

Pandidiri sa sarili kong katawan.

Ako’y kanilang nilapastangan!

Nawala po ako

at nang pinatakas kami ng aming bantay;

nang mahanap ko ang daan pauwi sa aming bahay;

nang gulat akong binati ng aking mga kamag-anak at sila’y nagtanong

kung saan ba ako napadpad at anong nangyari sa akin doon…

Nawala po ako.

Nawala lang po ako.